Dagupan City – Nananatiling pangunahing prayoridad ng Waste Management Division (WMD) ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng flushing at paglilinis ng mga lumot sa iba’t ibang kalsada sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, estudyante, at mga biyahero.
Ayon kay WMD Head Bernard Cabison, nakatutok ang kanilang mga tauhan sa mga mabababang lugar na madalas bahain at dinadaanan ng maraming tao at sasakyan na nagsanhi ng lumot.
Nasa mahigit isang linggo na silang nakatutok dito na sinimulan noong lunes sa walang humpay na ginagawang operasyon ng WMD sa mga pangunahing kalsada at pasilidad sa lungsod sa pakikipagtulungan sa City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Binigyang-diin ni Cabison na ginawa nilang prayoridad ang paligid ng Dagupan City National High School nang mapansing may natitira pang tubig-baha roon habang nagbabalik na ang klase ng mga estudyante.
Ipinaliwanag din ng opisyal na bagama’t maganda ang panahon, nagdudulot pa rin ng panganib ang mga natuyong algae o lumot dahil bumibitak-bitak ito sa ilalim ng sikat ng araw at mabilis na nagpapadulas sa kalsada kapag muling umulan.
Dahil dito, alinsunod na rin sa bilin ng alkalde ng lungsod, magpapatuloy ang araw-araw na flushing operations ng WMD hangga’t hindi lubusang naaalis ang mga lumot sa buong Dagupan City.










