Iginiit ni dating ACT Teachers Party-list Representative France Castro na mahalaga ang magiging pagharap ni Atty. Zuleika Lopez sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil maaari umano itong makatulong sa pagpapatibay ng ebidensyang inihain laban sa bise presidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Castro, sinabi niyang inaasahan nilang magiging mahalagang saksi si Lopez dahil naroon umano ito nang maganap ang press conference kung saan binanggit ni Vice President Duterte ang mga kontrobersyal na pahayag na naging bahagi ng isa sa mga impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay Castro, kabilang si Lopez sa mga tinukoy na testigo ng prosekusyon dahil makapagbibigay ito ng direktang salaysay hinggil sa authenticity ng naturang video at sa mga pahayag na nakapaloob dito.
Binalikan din ni Castro ang naging insidente noong 2024 nang siya pa ang miyembro ng Kamara na nagmosyon na i-contempt si Atty. Lopez sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Ayon kay Castro, naging basehan ng contempt ang umano’y hindi pagsagot nang direkta ni Lopez sa mga tanong ng komite at ang umano’y pagharang nito sa pagpapalabas ng mga dokumentong hinihingi mula sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng confidential funds.
Ipinaliwanag ni Castro na ang ginawa nilang hakbang ay nakabatay sa rules ng Kamara hinggil sa “undue interference in the conduct of proceedings.”
Aniya, nais lamang ng komite na makuha ang mga dokumentong makatutulong sa pag-alam ng katotohanan kaugnay ng isyu.
Samantala, sinabi ni Castro na positibo ang ipinakitang hakbang ni Lopez matapos itong pumunta sa Senado upang humingi ng mga dokumento kaugnay ng impeachment trial.
Umaasa siyang dadalo si Lopez sa susunod na pagdinig dahil magiging mahalaga ito sa paglilinaw ng mga pangyayari.










