Mariing kinokondena ng publiko at ilang sektor ang muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na umaabot na halos ₱5 kada litro.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mody Floranda National President, Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), ginagamit umano bilang dahilan ang hidwaan sa ibayong dagat, habang ang mga Pilipino ang pangunahing tinatamaan ng epekto nito.
Kung saan hinihimok nito ang pamahalaan na magbigay ng malinaw at konkretong tugon upang mapigilan ang sunud-sunod na taas-presyo.
Isa sa mga mungkahi niya ay ang pansamantalang pagsuspinde ng mataas na buwis sa langis upang hindi ito maging karagdagang pahirap sa mamamayan.
Sa kasalukuyan, lagpas na sa ₱50 ang presyo ng diesel, na labis na nagpapahirap sa mga tsuper at operators.
Saad niya na mayroon namang sariling pinagkukunan ng langis ang Pilipinas at may sapat na produksiyon upang makatulong sa pagpapanatili ng presyo sa lokal na merkado.
Bukod dito, marami rin umanong maaaring alternatibong pagkukunan ng langis na hindi gaanong apektado ng pandaigdigang krisis.
Subalit dahil sa mataas na buwis sa langis, nadadamay na rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Anila, hindi lamang transportasyon ang apektado lahat ng sektor ay nadadamay dahil dito.
Kapag binawasan o tinanggal ang buwis sa produktong petrolyo, inaasahang bababa rin ang presyo ng mga bilihin, na magiging pakinabang para sa lahat.
Kaya’t hiling nito ang masusing pagbusisi ng administrasyon sa patakarang buwis, lalo na sa VAT, na tinatawag nilang pabigat sa mga tsuper, operator, at karaniwang mamamayan.