Sample blood collection tube with HIV test label on HIV infection screening test form.

Dagupan City – Nakapagtala ang Department of Health–Center for Health Development (DOH-CHD) Region 1 ng 191 na bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus o HIV mula Enero hanggang Marso 2026.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, umabot na sa kabuuang 4,892 ang naitalang kaso ng HIV sa rehiyon mula taong 1984 hanggang sa first quarter ng 2026.

Aniya bagama’t unti-unting tumataas ang bilang ng kaso, may positibong dulot naman ito dahil mas nagiging mulat ang publiko sa kahalagahan ng pagpapasuri o HIV screening at testing.

--Ads--

Ipinaliwanag din nito na ang HIV ay isang virus na umaatake sa mga cells na nagbibigay ng immunity o panlaban ng katawan laban sa sakit. Kapag hindi naagapan, maaari itong humantong sa Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS.

Kabilang sa mga paraan ng transmission ng HIV ang unprotected sexual intercourse o pakikipagtalik nang walang proteksyon, paggamit o pagsasalin ng infected na dugo bagama’t bihira lamang ito, at mother-to-child transmission kung saan maaaring maipasa ng ina sa sanggol ang virus lalo na kung hindi ito umiinom ng maintenance medication.

Ayon pa kay Bobis, ilan sa mga sintomas ng HIV ay matinding panghihina ng katawan, matagal na lagnat, mabilis na pagbaba ng timbang, at pagkakaroon ng madalas na impeksyon.

Nilinaw naman nito na lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng panganib na mahawa ng HIV kaya mahalagang pairalin ang safe practices tulad ng tamang paggamit ng condom at pagiging responsable sa sexual health.

Binigyang-diin din ni Bobis na maaaring maging nakamamatay ang HIV kapag hindi ito nabibigyan ng wastong gamutan at maintenance antiretroviral therapy o ART.

Dahil dito, hinikayat ng DOH Region 1 ang publiko na maging bukas at mulat sa usapin ng sexual health at HIV prevention upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng impeksyon sa rehiyon.