Dagupan City – Kinuwestiyon ng isang Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos ang umano’y paglabag sa First Amendment matapos pagbawalan sa White House ang ilang media outlets, kabilang ang CNN, MSNBC at Politico.

Ayon kay Marissa Pascual, mahalagang tungkulin ng mga mamamahayag na maghatid ng factual at beripikadong impormasyon sa publiko, kahit pa hindi ito pabor sa isang opisyal ng gobyerno.

Giit niya, hindi dapat maging batayan ang nilalaman ng mga ulat o mga tanong ng reporter upang gantihan o pagbawalan ang isang media organization sa pag-access sa White House.

--Ads--

Sinabi ni Pascual na posibleng hindi nagustuhan ni Trump ang mga inilalabas na ulat at mga tanong ng naturang media outlets, lalo na’t patuloy ang kanilang pagtalakay sa iba’t ibang isyu na may kinalaman sa kanyang administrasyon.

Iniulat din na nagsampa na ng kaso ang ilang network na naapektuhan ng pagbabawal.

Binigyang-diin ni Pascual na mahalaga para sa mga mamamahayag na kumuha ng impormasyon mula sa iba’t ibang sources at tiyaking facts ang kanilang iniuulat, lalo na sa panahong mabilis kumalat ang misinformation at AI-generated content.

Aniya, maaaring magkaiba ang direksiyon ng facts, pakanan man o pakaliwa, ngunit tungkulin pa rin ng media na ihatid ang mga ito nang walang kinikilingan.