Hinihikayat ng PAG-IBIG Fund Dagupan City Branch ang mga miyembro nitong naapektuhan ng kalamidad na gamitin ang Virtual Pag-IBIG Online Application sa pag-aapply ng Calamity Loan, partikular ang mga nakatira o nagtatrabaho sa limang lugar sa Pangasinan na idineklarang nasa State of Calamity.

Ayon kay Jonah Grace Oxiles, Head ng Marketing and Sales ng PAG-IBIG Fund Dagupan City Branch, layunin ng Calamity Loan na magbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga miyembrong naapektuhan ng kalamidad.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity ang Dagupan City, Sta Barbara, Mangaldan, Mangatarem at Bugallon.

--Ads--

Dahil dito, maaaring mag-avail ng Calamity Loan ang mga kwalipikadong miyembro na nakatira o nagtatrabaho sa mga nabanggit na lugar.

Para maging kwalipikado, kinakailangang active member ng PAG-IBIG Fund at may hindi bababa sa 12 buwang hulog sa kanilang kontribusyon.

Maaaring makahiram ng hanggang 90% ng kabuuang savings ng miyembro, habang nasa 5.95 porsiyento ang interest rate ng loan.

Ayon pa dito, mas ligtas at mas maginhawa ang online application dahil patuloy na nararanasan ang pagbaha sa ilang lugar, kabilang ang paligid ng kanilang opisina sa Dagupan.

Sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG, maaaring piliin ng miyembro ang “Apply for Calamity Loan,” tukuyin ang lugar kung saan siya nakatira o nagtatrabaho, at makikita rin ang halagang maaari niyang mahiram.

Kapag naisumite na ang aplikasyon, ipapasa ito sa employer para sa approval bago tuluyang iproseso ng PAG-IBIG Fund.

Para naman sa mga empleyadong hindi enrolled ang employer sa Virtual Pag-IBIG, kinakailangang punan ang application form, pirmahan ito ng employer, at i-upload kasama ang valid ID at selfie na hawak ang nasabing ID.

Kailangan din ng miyembro ang PAG-IBIG Loyalty Card Plus o LandBank Cash Card upang dito ma-credit ang loan proceeds.

Nilinaw din ng PAG-IBIG Fund na 90 araw lamang mula sa deklarasyon ng State of Calamity ang panahon upang makapag-apply ang mga kwalipikadong miyembro.

Maaaring pumili ang borrower ng repayment period na 12, 24, o hanggang 36 na buwan. Mayroon ding tatlong buwang grace period bago magsimula ang unang amortization.

Samantala, sinabi ni Oxiles na sa ngayon ay tumatanggap ang Dagupan Branch ng average na 70 hanggang 80 over-the-counter applications kada araw, habang nasa 30 hanggang 50 naman ang online applications.

May inilaan din umanong mahigit kalahating milyong piso para sa mga loan na ipoproseso sa Dagupan.

Para sa mga nais mag-apply nang personal, bukas ang ilan sa PAG-IBIG Fund Dagupan at Urdaneta offices mula Martes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Bukas naman ang extension office sa Alaminos mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Hinikayat ni Oxiles ang mga miyembro na gamitin ang kanilang naipong pondo bilang tulong sa pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.