Dagupan City – Lalong tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang panibagong pag-atake ng Israel sa Lebanon, ilang oras lamang matapos ang napagkasunduang tigil-putukan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Ayon kay Des Baker, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, agad umanong nagsagawa ng pambobomba ang Israel kasunod ng ceasefire agreement.

Dahil dito, isinara ang Strait of Hormuz upang linawin at masiguro ang implementasyon ng kasunduan sa gitna ng lumalalang sitwasyon.

--Ads--

Batay sa paunang ulat ng Lebanese Ministry of Health, hindi bababa sa 87 katao ang nasawi habang mahigit 700 ang sugatan sa naturang pag-atake.

Dahil dito, sinabi ni Baker na nagpatuloy ang pag-escalate ng labanan kahit pansamantalang itinigil ng Hezbollah ang kanilang mga pag-atake laban sa Israel bilang bahagi ng dalawang linggong tigil-putukan na pinangunahan ng Estados Unidos at Iran.

Binigyang diin naman ni Baker na dalawa umano ang posibleng pangunahing dahilan ng Iran sa patuloy nitong aksyon—ang pagpapanatili ng kapasidad ng imbakan ng crude oil at ang pagprotekta sa kanilang interes sa enerhiya.

Dahil dito, maraming residente sa apektadong rehiyon ang nagtatanong kung bakit nakikialam ang Estados Unidos sa sigalot kahit hindi naman ito direktang bahagi ng naturang alitan.

Samantala, sa usaping pulitikal naman sa Amerika, muling nabanggit ni Baker ang posibilidad ng impeachment laban kay US President Donald Trump sa ilalim ng Article 25, lalo na’t papalapit ang midterm elections.

Ayon sa mga analyst, maaaring umigting ang naturang hakbang kung mananaig ang Democratic Party.

Gayunpaman, ang ilang pahayag ni Trump ay tinawag na hindi popular, bagama’t ipinagtatanggol ito ng kanyang kampo bilang hakbang upang maiwasan ang mas malawakang kaguluhan.

Sa huli, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga opisyal na anunsyo habang patuloy na mino-monitor ang mabilis na pagbabago ng sitwasyon sa Gitnang Silangan.