Inihayag ni Senator Robin Padilla na gumamit pa siya ng Google upang maunawaan ang mga legal terms kaugnay ng kanyang pagkontra sa pagtayong presiding officer ni Senator Francis ”Chiz” Escudero sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa paglilitis na ginanap nitong Lunes, Hulyo 6, kabilang si Padilla sa walong senador na bumoto laban sa pagpreside ni Escudero sa impeachment proceedings.

Ayon kay Padilla, kinailangan niyang magsaliksik upang mas maintindihan ang mga legal terms.

--Ads--

“Humingi po ako ng tulong sa Google kasi legal terms po ito. Hindi naman po ako nagtapos sa UP. Hindi rin po ako nagtapos sa Ateneo. Nagtapos po ako ng criminology. At UP rin: University of Prison,” ani Padilla matapos ang botohan.

Matatandaang isinusulong ng Senate minority bloc na si Senate President Sherwin Gatchalian ang dapat magsilbing presiding officer sa impeachment trial ni Sara Duterte.

Giit ni Sen. Padilla na dapat umanong sundin ang nakasaad sa Saligang Batas hinggil sa kung sino ang dapat mamuno sa paglilitis kapag ang nililitis ay ang Bise Presidente.

“Ang batas po ay precise. Hindi po ito puwedeng iba-ibahin o baluktutin. Kung ano po ang sinasabi ng Saligang Batas, sana po ay panghawakan natin,” dagdag ng senador.