DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang isang dermatologist sa maayos na pangangalaga at pagprotekta sa balat ngayong nakakaranas ng matinding init ng panahon.

Ayon kay Dr. Roma Abalos, Dermatologist sa Philippine Dermatological Society-North Luzon Chapter, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang ultra-violet rays mula sa sikat ng araw ang nakakaapekto sa balat ng isang tao.

Aniya, may dalawang uri ito: ang Ultaviolet A (UVA) at Ultraviolet B (UVB).

--Ads--

Ang UVA ay may kinalaman sa maagang pagtanda (aging), habang ang UVB naman ang may pangunahing sanhi ng pagkasunog ng balat ng mga pasyente.

Binigyan linaw ni Dr. Abalos na may presensya pa rin ng UV rays kahit pa man maulap o nahaharangan ng ulap ang araw at tumatagos ito sa bintana sa bahay at ng sasakyan.

Karaniwan epekto nito sa balat ay ang pangingitim (tanning) ng balat dahil sa pagtaas ng produksyon ng melanin.

Samantala, ayon kay Dr. Abalos na isa sa mga epekto ng over-exposure sa UV rays ay ang sunburn kung saan nakakaranas ng pamumula ng balat, mainit ay mahapding pakiramdam, pananakit kapag hinahawakan ang apektadong bahagi, pamamaga, at pagkakaroon ng paltos o blisters.

Uso rin ang pagkakaroon ng bungang araw (prickly heat) kung sanhi ito ng pagkabara ng sweat glands at nagdudulot ng maliliit ng pantal -kadalasan ay may laman itong kulay puti-, pamumula ng balat, matinding pangangati o tusok-tusok na pakiramdam, at natatagpuan ito sa leeg, likod, dibdib, kilikili at singit.

Ibinahagi rin ni Dr. Abalos ang cutaneous larva migrans (CLM) na nakukuha sa beach.

Ito ay isang infection na karaniwang nakukuha sa parasite na nagmumula naman sa dumi ng aso’t pusa.

Nakukuha lamang ito kapag direktang dumikit ang balat sa kontaminadong buhangin.

Ang sintomas nito ay pagkakaroon ng makating pantal na para bang may gumagpaang sa ilalim ng balat, mapulang linya na tila paikot-ikot ang itsura, lumalawak o gumagalaw kada araw, at madalas itong makita sa paa, hita, at sa puwet.

Aniya, ilan araw muna bago ito tuluyang lumabas o makita sa pasyente.

Maiiwasan ito sa pamamagitan ng hindi pagkakaroon ng direktang pagdikit sa buhangin, gumamit ng tela bilang panlatag sa uupuan, at maligo agad pagkatapos mag-beach.

Binigyan halaga ni Dr. Abalos ang paggamit ng sunscreen bilang pangunahing proteksyon ng balat.

Nagpaalala siya na hindi bababa sa SPF 30 ang produktong gagamitin, ipahid ito sa balat 15-30 minutes bago lumabas ng bahay, at ulitin ang pagpahid kada 2 oras at muling ipahid pagkatapos maligo o pagpawisan.

Karagdagang proteksyon din laban sa UV rays ang pagsusuot ng sumbrero na may malapad na brim, damit na may manggas, at sunglasses.

At kung maaari, umiwas sa direktang sikat ng araw mula Alas-10 ng umaga hanggang Alas-4 ng hapon.

Para mapanatili ang preskong pakiramdam ay magsuot ng cotton at light-colored na damit at maligo agad pagkatapos lumabas o pagpawisan.