Nilinaw ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na hindi nila kilala si alyas Bikoy na naglabas ng video ng ‘totoong narcolist’.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay NUPL NCR Secretary General Atty. Maria Kristina Conti, sinabi nito na wala silang kaugnayan kay Bikoy dahil katulad ng marami ay nanonood lang din sila sa mga kaganapan sa bansa.

Kakatwa aniya na balak kasuhan ng cyber libel si Bikoy sa pagpapalabas nito ng nasabing video gayong pwede namang imbestigahan ang mga sinasabi nito para malaman kung may katotohanan na mayroong perang umiikot na may kinalaman sa iligal na droga.

--Ads--

Ayon kay Conti, sa bigat ng mga pahayag ni Bikoy ay dapat lamang na gamitin na sa tamang paraan ang intelligence fund ng pamahalaan at hindi ang pag-iimbento ng papel na ilalathala.

Ipinunto pa nito na maging ang militar at pulisya ay hindi makumpirma kung totoong mayroong ouster plot laban sa Pangulo.