PANGASINAN — Kinumpirma ng Provincial Health Office (PHO) ng Pangasinan na walang naitalang casualties sa mismong pagsalubong ng Bagong Taon sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Ma. Vivian Villar-Espino, Provincial Health Officer ng Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, umabot sa 11 kaso ng firecracker-related injuries (FRI) ang naitala mula Enero 1 hanggang Enero 2, 2026.

Gayunpaman, batay sa opisyal na tala ng PHO mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 2, 2026 alas-8 ng umaga, may kabuuang 111 kaso ng FRI sa buong lalawigan. Mas mababa ito kumpara sa 123 kaso na naitala noong nakaraang taon, o katumbas ng 10 porsiyentong pagbaba.

--Ads--

Pinakamaraming kaso ang naitala sa Lungsod ng Dagupan na may 20 insidente, sinundan ng Lingayen at Calasiao na may tig-8 kaso, Bayambang na may 7 kaso, at Mangaldan na may 5 kaso, habang ang natitirang bilang ay mula sa iba pang bayan sa lalawigan.

Sa kabuuang bilang ng mga nasugatan, 51 ang itinuturing na “active cases” o mga indibidwal na aktwal na nagpaputok ng paputok, habang 60 naman ang “passive cases” o mga nadamay lamang sa pagsabog.

Kabilang sa mga karaniwang ginamit na paputok ang kwitis, 5-star, boga, whistle bomb, luces, plapla, at bawang.

Sa ulat ng PHO, walo ang nagtamo ng eye injuries, apat (4) ang nakaranas ng hand amputation, at may isang kaso ng stray bullet na naitala sa bayan ng Rosales, na ayon sa mga awtoridad ay nakalabas na ng pagamutan at nasa maayos na kalagayan.