Binabantayan na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga lugar na magiging venue ng mga protesta sa Sept. 21, anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.
Kabilang dito ang ilang mga lugar na binabaybay ng EDSA, Chino Roces Bridge (CRB) sa Mendiola, JP Laurel Street, Ayala Bridge, TIP Manila, San Sebastian Church, University of the East, atbpa.
Kahapon (Sept. 18) ay nagsagawa na rin ng walkthrough at ocular inspection si NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano sa mga pangunahing kalsada at lugar sa Maynila na bahagi ng paghahanda.
Ayon kay Gen. Abrahano, kailangang maagang masuri ang mga rutang maaaring gamitin at mga lugar na maaaring pagdausan ng mga aktibidad tulad ng mga demonstrasyon, kilos-protesta, at mga pagmarsta.
Pinaalalahanan din ng heneral ang mga pulis na manatiling alerto habang binabantayan ang mga nasabing lugar at panatilihin ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Umapela rin ito sa mga pulis na igalang ang karapatan ng mga mamamayan at hayaan siyang makapagsagawa ng mapayapang pagtitipon upang maihayag ang kanilang saloobin.









