Nakatakdang iharap ng House prosecution panel ang susunod nitong testigo ngayong araw para sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y banta laban sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nakatakdang tumestigo si Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sinabi ni Adiong na magbibigay si Lotoc ng resulta ng isinagawang imbestigasyon ng NBI hinggil sa naturang insidente.

--Ads--

Ang testimonya ni Lotoc ay inaasahang magpapatuloy sa naunang pagharap ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa pagiging awtentiko ng mga video recording at digital files kaugnay ng pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.

Sa nasabing video, iniulat na sinabi ng Bise Presidente na mayroon siyang kinontratang tao upang patayin sina Pangulong Marcos Jr., First Lady Araneta-Marcos, at dating House Speake Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Ayon kay Adiong, si Lotoc ang maglalahad ng resulta ng imbestigasyon ng NBI tungkol sa umano’y banta. Gayunpaman, tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye dahil sa umiiral na sub judice rule.

Ipinaubaya naman ng House prosecution panel sa Senado ang pagdinig sa testimonya ni Lotoc bilang bahagi ng pagpapatuloy ng presentasyon ng ebidensiya laban kay VP Duterte.

Nakasentro ang impeachment case sa umano’y grave threats na iniuugnay sa pahayag ng Bise Presidente sa isang online press briefing noong Nobyembre 23, 2024.| via Bombo John Florez