BOMBO DAGUPAN – Ipagpapaliban muna ng Malakanyang ang Heroes Parade ng mga Filipino Olympians na kinabibilagan ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo bukas at gagawin na lamang ito ng hapon sa araw ng Miyerkules.

Ayon kay Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs Reichel Quiñones, alas-6:00 ng gabi na kasi ang dating ng mga atleta bukas sa Villamor Airbase at masyado na itong gabi para sa Heroes Parade.

Sasalubungin ang mga atleta ng kani-kanilang pamilya sa Villamor Airbase at saka didiretso sa Malacañang para sa inihandang seremonya at dinner ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at ng First Family.

--Ads--

Sa naturang seremonya, inaasahang ibibigay ni Pangulong Marcos ang Presidential citations sa lahat ng atleta at maging ang cash reward para sa mga nag-uwi ng medalya.

Ang Heroes Parade sa araw ng Miyerkules ay magsisimula sa Aliw Theater at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex.