Nagpahayag ng pagkadismaya ngunit pagtanggap ang mga Pilipinong sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang apela ng kampo ng dating lider kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Amik Garceniego, Vice Chairman ng United Filipinos Global-UK, sinabi nitong inaasahan na nila ang naturang desisyon.
Kinumpirma ng Appeals Chamber ang naunang pasya ng Pre-Trial Chamber na may hurisdiksyon ang ICC sa kaso laban kay Duterte.
Ayon kay Garceniego, isa sa naging sentrong usapin ay ang interpretasyon kung saklaw ba ng “court” ang prosecution team isang punto na pinanghawakan ng depensa.
Bagamat hindi sila sang-ayon sa interpretasyon, iginiit niyang iginagalang nila ang naging pasya ng hukuman.
Ayon kay Garceniego, labis ang lungkot ng mga Duterte supporters sa UK, partikular sa kanilang organisasyon.
Gayunpaman, patuloy umano silang umaasa at nagdarasal para sa kalusugan ng dating pangulo.
Ibinahagi rin niyang may mga Pilipinong nagtipon sa labas ng ICC headquarters upang subaybayan ang anunsyo at maghintay ng pahayag mula sa legal team ni Duterte, kabilang si Nicholas Kaufman.
Inamin din niya na mas magiging mahirap na para sa kampo ni Duterte na baligtarin ang kaso matapos pagtibayin ng ICC ang hurisdiksyon nito. Nakatuon na ngayon ang pansin sa darating na confirmation of charges.
Dagdag pa niya, malabo umanong personal na humarap si Duterte sa mga pagdinig, batay sa matagal na nitong paninindigan na hindi kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.
Sa kabila ng naging desisyon, hinikayat ni Garceniego ang mga tagasuporta na manatiling matatag at ipagpatuloy ang kanilang paninindigan.
Nanawagan din siya ng patuloy na pagdarasal at pag-asa, na aniya’y mahalaga sa pagharap sa mga susunod na yugto ng kaso.









