Kuwento tungkol sa mga espiritu at kaluluwa ang ilan sa mga paniniwalang nananatili sa Sri Lanka, kabilang ang mga kuwentong ginagamit umanong panakot sa mga bata.

Ayon sa ibinahaging impormasyon, tinatawag na Yakkas at Bhutayas ang mga espiritung iniuugnay sa mga nakatatakot na kuwento sa bansa.

Kabilang din dito ang kuwento tungkol sa isang kilalang sementeryo kung saan pinaniniwalaang nagtitipon-tipon ang 400 kaluluwa at nananakot sa mga tao.

--Ads--

Samantala, mayroon ding mga tradisyon ang ilang pamilya sa Sri Lanka sa paggunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay, kabilang ang paghahain ng pagkain at pagdarasal.

Sa ika-40 araw matapos ang pagkamatay, nagsasagawa umano ng panalangin sa pangunguna ng mga monghe, na sinusundan ng pagpapakain sa mga tao.

Bagama’t karamihan sa populasyon ng Sri Lanka ay Buddhist, ipinagdiriwang pa rin ng ilang Kristiyano roon ang All Saints’ Day at All Souls’ Day sa pamamagitan ng pagdarasal, pagrorosaryo, pag-aalay ng bulaklak at pagsisindi ng kandila bilang pag-alala sa mga yumao.