Nagbabala ang Federation of Free Farmers sa posibleng epekto sa suplay at presyo ng pagkain ng panukalang ₱198 bilyong badyet para sa agrikultura at pangisdaan sa 2027. Mas mababa ito ng ₱17 bilyon kumpara sa naunang inaprubahang ₱215 bilyong pondo, sa gitna ng pangangailangang palakasin ang paghahanda ng sektor sa mga banta sa produksyon, kabilang ang posibleng Super El Niño.


Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, dapat sapat ang pondo ng pamahalaan upang matugunan ang mga hamon sa agrikultura, lalo na ang posibleng tagtuyot. Hindi aniya malinaw kung bakit nabawasan ang pondo ng Department of Agriculture sa halip na madagdagan, at kabilang sa nakikitang dahilan ang limitasyon sa pondo ng pamahalaan at pagtuon ng badyet sa iba pang sektor.


Iminungkahi rin ng grupo na suriin ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong pang-imprastraktura, partikular ang mga flood control project, at bigyang-prayoridad ang mga programang direktang makatutulong sa produksyon ng pagkain. Kabilang dito ang pagpapahusay ng irigasyon at mga pasilidad na maaaring mag-imbak o mag-impound ng tubig upang magamit kapag dumating ang tagtuyot.

--Ads--


Iginiit ng Federation of Free Farmers na kailangan nang tugunan habang tag-ulan pa ang paghahanda para sa posibleng kakulangan ng tubig sa mga susunod na buwan. Layunin nitong mapanatili ang produksyon ng mga magsasaka at maiwasan ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot sa suplay at presyo ng pagkain.