DAGUPAN CITY- Buong tinatanggap ng Federation of Free Workers ang mga hakbangin ng gobyerno upang makatipid ang mga ordinaryong manggagawa ngayong patuloy ang pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Ayon kay Julius Cainglet, bise presidente ng nasabing grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kabilang na rito ang mungkahi ni Sen. Imee Marcos na pansamantalang paghinto sa koleksyon ng mga mandatory contributions.

Subalit, kung ipapatupad ang 4-day work week ay hinihiling nila na patuloy pa rin makakatanggap ng serbisyo ang mga manggagawa sa mga social protection institutions.

--Ads--

Kung muli itong ibabalik ay mungkahi ni Cainglet na dahan-dahan muling singilin ang mga manggagawa.

Binigyan linaw niya na bagaman magandang bagay ang suspensyon ng naturang singilin, hindi rin nila kagustuhang bumagsak ang mga institusyon na ito dulot ng krisis.

Bukod pa riyan, pabor din ang kanilang grupo sa suspensyon ng Value Added Tax (VAT) dahil maging hindi empleyado ay sakop ng buwis na ito at malaki ang magiging epekto nito, kasabay rin ng pagsuspinde sa excise tax sa petrolyo.

Nakikita ni Cainglet na malaking tulong ito, lalo na sa mga job orders at Contract of Service (COS), na hindi madadamay kung sakaling suspindihin ang pangongolekta ng social protection institutions.

Samantala, nagpaplano na ang kanilang grupo na maghain ng panawagan sa Regional Wage Board para sa karagdagang sahod ng mga manggagawa sa probinsya.