Nagbabala ang mga awtoridad sa publiko laban sa posibleng paglitaw ng mga ahas sa mga residential area kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng Pangasinan.
Ayon kay Derek Bayer, Forest Technician I ng (CENRO) Central Pangasinan, may mga naiulat nang pagkakahuli at pagsagip sa mga ahas sa lalawigan nitong mga nakaraang araw.
Kabilang dito ang isang reticulated python na nahuli sa Kalayaan, Calasiao, habang mayroon ding mga ahas na isinuko sa CENRO ng mga non-government organization (NGO) na nagsasagawa ng wildlife rescue.
Ipinaliwanag ni Bayer na karaniwan nang lumalabas ang mga ahas mula sa kanilang natural na tirahan kapag binabaha ang kanilang habitat.
Ayon kay Bayer, napipilitang lumikas ang mga ahas patungo sa mas tuyong lugar dahil nalulubog sa tubig ang kanilang natural habitat.
Bukod sa paghahanap ng tuyong lugar, naghahanap din sila ng lugar na may mapagkukunan ng pagkain, gaya ng mga daga at maliliit na butiki.
Dahil dito, maaaring mapalapit ang mga ahas sa mga kabahayan, partikular sa mga lugar na malapit sa kanilang dating tirahan.
Binigyang-diin ni Bayer na hindi likas na agresibo ang karamihan sa mga ahas at karaniwang hindi sila umaatake kung hindi ginagalaw o pinagbabantaan.
Ayon sa kanya, maaaring kumagat ang ahas kapag nakaramdam ito ng panganib o kapag sinubukang hawakan, hulihin o saktan.
Dahil dito, hinimok niya ang publiko na huwag lapitan o subukang hulihin ang ahas kapag nakakita nito.










