Muling aasahan ng mga consumer ang bigat na pasanin sa kanilang bayarin sa kuryente ngayong Hunyo matapos magpatupad ng dagdag-singil ang Manila Electric Company (Meralco).

Sa abiso ng Meralco, tataas ng P0.1488 kada kilowatt-hour (kWh) ang household electricity rate para sa buwan ng Hunyo.

Dahil dito, ang kabuuang singil sa kuryente ay aabot na sa P14.4833 kada kWh mula sa P14.3345 kada kWh noong Mayo.

--Ads--

Ayon sa kumpanya, ang naturang adjustment ay katumbas ng humigit-kumulang P29.76 na dagdag sa buwanang bayarin ng mga sambahayang kumokonsumo ng 200 kWh.

Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtaas ng singil ay pangunahing dulot ng mas mataas na generation charge. Kaugnay ito ng serye ng yellow alert at red alert na naitala sa Luzon grid noong Mayo, na nakaapekto sa halaga ng kuryenteng binibili mula sa mga power supplier.

Pinapayuhan naman ng Meralco ang mga consumer na maging mas maingat sa paggamit ng kuryente upang makatulong sa pagkontrol ng kanilang buwanang gastusin.