Nagbabala ang isang transport group na maaaring humantong sa paghinto ng operasyon ng ilang public utility vehicles (PUVs) sa National Capital Region (NCR) sakaling matuloy ang inaasahang mahigit P10 kada litro na dagdag-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon kay Marlyn Dela Cruz, presidente ng BUSINA, labis na ikinababahala ng mga driver at operator ng modern at traditional jeepney ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na aniya ay lalo pang nagpapabigat sa kanilang araw-araw na operasyon.

Sinabi ni Dela Cruz na may ilang driver nang nagsasabi sa kanilang mga operator na maaaring hindi na sila makabiyahe kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng diesel.

Aniya, hindi na kinakailangan pang magsagawa ng malawakang protesta upang ipakita ang kanilang kalagayan dahil maaaring kusang huminto sa pamamasada ang mga driver kapag hindi na nila kayang tustusan ang kanilang krudo.

Nagbabala rin ang BUSINA na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa serbisyo ng pampublikong transportasyon kapag marami sa mga modern at traditional jeepney ang hindi na makabiyahe.

Bagama’t maaaring hindi tuluyang maparalisa ang transportasyon, sinabi ni Dela Cruz na tiyak na mararamdaman ng mga commuter ang epekto ng pagbawas ng mga jeepney sa kalsada.

Ayon sa kanya, hindi lamang mga operator kundi mismong mga driver ang nahihirapang pagkasyahin ang kinikita sa araw-araw dahil sa mataas na presyo ng diesel.

Dagdag pa niya, may mga alternatibong sasakyan tulad ng taxi, motorsiklo at ilang electric vehicle, ngunit hindi pa sapat ang bilang ng mga electric jeepney upang mapunan ang pangangailangan ng mga pasahero.

Nanawagan si Dela Cruz sa pamahalaan na agarang magpatupad ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng oil price hike sa transport sector.

Kabilang sa kanilang hinihiling ang pagbabalik ng service contracting program, na aniya ay makatutulong kapwa sa commuters at drivers.

Sa usapin naman ng posibleng dagdag-pasahe, sinabi ni Dela Cruz na kailangan ding isaalang-alang ang kalagayan ng mga driver at operator dahil sa patuloy na pagtaas ng operating costs.

Aniya, hindi lamang ang transport sector ang nahihirapan kundi maging ang mga ordinaryong commuter na umaasa sa pampublikong transportasyon.

Nanawagan siya sa Pangulo at sa mga mambabatas na pakinggan ang hinaing ng sektor bago tuluyang mapilitan ang mga driver na ihinto ang kanilang pamamasada.