Dagupan City – Kasado na ang mga paghahanda para sa medikal na tulong para sa Centennial Canonical Coronation ng Mahal na Birhen ng Manaoag sa Abril 22.

Isang araw na lamang ay gaganapin na ang makasaysayang kaganapan kung saan inaasahan ang mahigit isang milyong deboto kaya papaigtingin ng LGU Manaoag ang pagtutok sa kalusugan ng mga dadalo.

Ayon kay Dr. Nicola Bethune-Malko ang Head ng Municipal Health Office ng bayan na inihanda na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kagamitan at tauhan para sa mga dadalo sa selebrasyon.

--Ads--

Mayroong 11 na medikal na istasyon na ipapakalat sa iba’t ibang bahagi ng bayan lalo na sa paligid ng Basilica at mga lugar na dadaanan ng mga deboto kung saan isa dito ang Main Medical Station na fully air-conditioned.

Bawat istasyon ay binubuo ng hindi bababa sa 10 medikal na tauhan kabilang ang mga doktor, nars, at mga first aid responders.

Mayroon din silang mga gamot at kagamitan para sa emergency tulad ng mga defibrillator at oxygen tank.

Sinabihan din ang mga malapit na ospital tulad ng Manaoag Community Hospital, Pozorrubio District Hospital, at Urdaneta Medical Center na maghanda ng dagdag na mga tauhan at sasakyan kung sakaling kailanganin gayudin ang Region 1 Medical Center.

Tutulong din ang Philippine Red Cross sa kanila para mas mapalakas ang manpower sa kaganapan kung kinakailangan.

Aniya na, kahit pa madaming mga tao ay may mga espesyal na ruta para sa mga ambulansya para madaling maabot ang mga lugar na kailangan ng mabilisang responde.

Ipinapaalala naman niya sa mga matatanda, buntis, at mga may karamdaman na mag-ingat at kung maaari ay manood na lamang sa bahay sa pamamagitan ng social media para hindi na mapahamak ang kanilang kalagayan.

Dahil magiging mainit ang temperatura hinihikayat ang lahat na manatiling hydrated at uminom ng maraming tubig bago at habang nasa kaganapan.

Dagdag nito na kapag may naramdaman na kakaiba, pumunta agad sa pinakamalapit na medikal na istasyon.

Samantala, kailangan umanong magtulungan ang lahat upang maiwasan ang kaswalidad sa mga deboto at maging makabuluhan ang selebrasyon para sa Mahal na Birhen ng Manaoag.