Nanawagan si Armenia T. DelOs Angeles, Officer-in-Charge ng MDRRMO Binmaley, sa mga may-ari at operator ng motorbanca na maging mas maingat sa pagsakay ng mga pasahero upang maiwasan ang anumang insidente.
Ginawa ni delos Angeles ang pahayag matapos ang pagkasawi ng ilang pasahero ng lumubog na motorboat mula Barangay Camaley patungong Balogo River sa nasabing bayan.
Ayon kay Delos Angeles, tinatayang anim hanggang pito lamang ang dapat na isakay sa motorbanca, ngunit umabot sa 13 katao, kabilang ang driver, ang sakay ng nasabing sasakyang-dagat.
Aniya, maaaring nakasanayan na ng mga operator ang pagsakay ng maraming pasahero kaya hindi na nila inaasahang maaaring mauwi ito sa isang trahedya.
Bandang alas-11:40 ng gabi nang sunduin ang mga pasahero na patungo sana sa Barangay Balogo upang makiramay sa kaanak ng isa sa mga ito na namatayan. Habang naglalakbay, napansin umano ng mga sakay na mabigat na ang motorbanca, ngunit nagpatuloy pa rin ang biyahe.
Hindi pa umano gaanong nakalalayo mula sa daungan nang biglang lumubog ang motorbanca.
Sampu sa 13 sakay ang nakaligtas matapos makalangoy at agad na natulungan ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO habang ang tatlo ay narekober na wala ng buhay.










