Nagpaalala si Binmaley Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III sa mga residente na maging mapagmatyag at magsagawa ng kaukulang paghahanda habang patuloy na nakararanas ng masamang panahon ang bayan.
Hinikayat din niya ang mga magulang na tiyaking nasa loob ng bahay ang kanilang mga anak lalo na’t suspendido ang klase, upang maiwasan ang anumang panganib dulot ng malakas na ulan at pagbaha.
Partikular na pinayuhan ng alkalde ang mga nakatira sa mga lugar na malapit sa ilog at mga low-lying areas, kabilang ang Barangay Sabangan, Caloocan Norte, Malong, Lomboy at iba pang southern barangays, na maging alerto dahil sa posibilidad ng pagtaas ng tubig.
Aniya, patuloy ang koordinasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga barangay, habang naipadala na rin ang mga executive order na nagsisilbing gabay sa mga lokal na opisyal upang matiyak ang maagap na paghahanda at pagtugon sa anumang emerhensiya.
Ipinaliwanag din ni Merrera na mas maayos na ang pagdaloy ng tubig sa mga kailugan matapos alisin ang mga fish pen na dati umanong nagiging sanhi ng pagbabara ng mga basura at iba pang debris. Gayunman, sinabi niyang maaari pa ring umapaw ang mga ilog kung patuloy ang malakas na pag-ulan at mataas ang tubig mula sa kabundukan.
Dahil dito, tiniyak niyang nakahanda ang mga kagamitan, rescue equipment, at iba pang resources ng lokal na pamahalaan upang agad na magamit kung kinakailangan.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente, lalo na ang mga nasa mabababang lugar, na maging mas maingat tuwing gabi dahil sa posibilidad ng high tide. Nanawagan siyang agad makipag-ugnayan sa mga emergency hotline ng pamahalaang bayan kung mangangailangan ng tulong.
Dagdag pa niya, nananatiling bukas at nakahanda ang mga evacuation center upang matiyak ang kaligtasan ng mga Binmalenian sa oras ng pangangailangan.










