Nakapagtala na ng halos 1,000 na nasawi ang bansang France dahil sa nararanasang matinding heat wave na nagsimula noong kalagitnaan ng Hunyo. Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent, ibinahagi nito na bagaman mas mababa ang bilang na ito kumpara sa 15,000 namatay noong 2003, nananatiling banta sa kalusugan ang kasalukuyang lagay ng panahon.

Karamihan umano sa mga biktima ay mga senior citizen na namumuhay mag-isa, ngunit may mga ulat din ng heat stroke sa mga kabataan.

Ayon kay Valdez, ang mga lumang gusali sa Paris na may mga bubong na gawa sa zinc ay nagmimistulang “oven” dahil sa sobrang init na naipon. Binigyang-diin niya na mas ramdam ang epekto ng init dito dahil ang mga French ay sanay sa malamig na panahon at ang kanilang mga gusali ay hindi idinisenyo para sa summer.

--Ads--

Aktibo naman ang kanilang gobyerno sa pagpapadala ng mga babala sa publiko sa pamamagitan ng text at email. Nagpatupad na rin ito ng suspensiyon sa ilang mga klase, gayundin ng paglilipat ng iskedyul ng ilang pambansang pagsusulit, kabilang ang Diplôme National du Brevet. Nasa pagpapasya rin ng mga magulang kung papapasukin nila o hindi ang kanilang mga anak sa paaralan, lalo na kung sensitibo ang mga ito sa matinding init.

Pinapayuhan rin ni Valdez ang mga turista na magsuot ng maninipis na damit at gumamit ng mga portable fan o abaniko. Sa gitna ng tindi ng init, marami ring mga kabataan ang nagpumilit na maligo sa mga waterways gaya ng Canal Saint-Martin, sa kabila ng pagbabantay ng mga pulis.

Sa kasalukuyan, medyo bumaba na umano ang temperatura sa 26°C sa ilang bahagi ng bansa at inaasahan ang pagpasok ng thunderstorms, ngunit nananatili ang babala na maaari pang tumaas muli ang temperatura.