DAGUPAN CITY- Mas pinaigting ang seguridad sa Barangay Binday sa bayan ng San Fabian matapos maglagay ng mga closed-circuit television o CCTV camera sa iba’t ibang bahagi ng lugar.

Layunin ng inisyatiba na mapalakas ang pagbabantay at matiyak ang kaligtasan ng mga residente, ayon sa pamunuan ng barangay.

Ayon kay Barangay Captain Christie S. Ymasa, malaki ang naitulong ng mga CCTV sa pagtukoy sa mga indibidwal na sangkot sa kahina-hinalang aktibidad.

Dahil sa malinaw na kuha ng mga camera, mas napapadali ang pag-imbestiga at pagberipika ng mga insidente.

--Ads--

Maging ang mga kalapit na bayan ay lumalapit din umano sa barangay upang humingi ng impormasyon kaugnay ng ilang kaso.

Sa tala ng barangay, hindi bababa sa sampung CCTV camera ang kasalukuyang nakakabit sa mga pangunahing kalsada at matataong lugar.

Sa tulong ng mga ito, nabantayan ang galaw ng mga pumapasok at lumalabas sa barangay, na ayon sa opisyal ay nakatulong sa pagbawas ng naitatalang insidente ng krimen sa lugar.

‎Posible pang madagdagan ang bilang ng mga CCTV sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng patuloy na pagpapatibay ng peace and order program ng barangay.

Patuloy namang hinihikayat ang mga residente na makiisa sa mga hakbang para sa seguridad at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.