Dagupan City – Aabot sa ₱8.3 milyon ang panukalang budget ng Local School Board o LSB ng Mangaldan, Pangasinan para sa taong 2027. Inilatag ang proposed budget sa isinagawang pagpupulong ng LSB noong Setyembre 17 sa Conference Room ng Presidencia de Mangaldan.

Kinatawan ni Municipal Planning and Development Coordinator at LSB Secretariat Milagros J. Padilla si LSB Chairperson at Mayor Bona Fe de Vera-Parayno sa pulong, kung saan tinalakay ang mga pangunahing paggagamitan ng panukalang pondo para sa susunod na taon.

Pinakamalaking bahagi ng budget ang nakatakdang ilaan sa konstruksyon at rehabilitation ng mga gusali ng pampublikong paaralan.

--Ads--

May pondo rin para sa operasyon at maintenance, Brigada Eskwela, literacy programs, education trainings, Special Needs Education, Alternative Learning System, school sports, sports equipment at iba pang learning development activities.

Kasama rin sa panukala ang Early Childhood Care and Development o ECCD programs para sa mga batang edad zero hanggang apat.

Ayon sa LSB, ang ₱8.3 milyon ay panukalang halaga lamang batay sa tinatayang kita at maaari pang magbago.

Ang pondo ay magmumula sa Special Education Fund o SEF, na pangunahing nagmumula sa karagdagang one percent real property tax na nakalaan para sa edukasyon.