Dagupan City – Agarang nagsagawa ng road clearing at emergency response operation ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sta. Barbara matapos bumagsak ang isang malaking puno ng acacia na humarang sa isang pangunahing kalsada sa Barangay Banzal noong Agosto 27, 2026.
Pinangunahan ng MDRRMO Sta. Barbara Operations Team sa ilalim ng pamumuno ni MDRRMO Head Raymundo T. Santos ang clearing operation, katuwang ang Barangay Council ng Banzal upang agad na maalis ang nakaharang na puno at maibalik ang ligtas na paggamit sa naturang daanan.
Bahagi ang mabilis na pagtugon ng MDRRMO sa patuloy na paghahanda at pagresponde sa mga insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan at daloy ng mga motorista at residente, partikular sa panahon ng masamang panahon.
Patuloy naman ang paalala sa publiko na maging alerto sa mga posibleng panganib sa kalsada at agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad ang mga natumbang puno, debris at iba pang sagabal na maaaring magdulot ng aksidente.










