Dagupan City – Inaasahang magiging matindi ang ultimatum ni US President Donald Trump laban sa Iran.
Ito ang binigyang diin ni Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, planado at seryoso umano ang layunin ni Trump na makamit ang kapayapaan.
Matatandaang nagbanta si Trump na tatargetin ang mga planta ng kuryente at mga tulay sa Iran kung hindi muling bubuksan ang Strait of Hormuz.
Sa kaatunayan binigyang niya ng 48-oras na ultimatum nito ay magtatapos bukas (oras sa Amerika), kung saan may dalawang araw lamang ang Tehran upang makipagkasundo o haharap sa tinawag niyang “all hell.”
Ang naturang banta ay kasunod ng isang pagsabog malapit sa isang Iranian nuclear power plant na nagdulot ng evacuations, gayundin ang mga ulat ng pag-atake sa rehiyon, kabilang ang isang commercial ship sa Bahrain na pinaniniwalaang konektado sa Israel at umano’y tinarget ng Iran’s Revolutionary Guards.
Sa kabila ng umiinit na tensyon, umaasa si Pascual na makakamit pa rin ang kapayapaan sa gitna ng sigalot sa Middle East.
Samantala, kaugnay nito bukod sa pagtaas ng presyo ng gasolina, nakapagtala na rin ng pagmahal ang ilang pangunahing bilihin sa Estados Unidos, at maging ang mga dating libreng serbisyo ay may bayad na rin ngayon.
Dagdag pa niya, karamihan sa mga mamamayan sa US ay pabor sa kasalukuyang aksyon ni Trump.










