Malabo umanong mauwi sa conviction ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa mataas na bilang ng boto na kinakailangan upang mapatunayang nagkasala ang isang inirereklamong opisyal.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst at constitutional law expert, malaking hamon para sa House prosecution panel ang pagkuha ng hindi bababa sa 16 na boto ng mga senador na kinakailangan upang mahatulan si VP Sara.

Ipinaliwanag ni Yusingco na sa ilalim ng mga panuntunan ng impeachment court, kailangan ang two-thirds vote o 16 sa kabuuang 24 na senador upang magkaroon ng conviction sa naging pahayag ni Senator-judge at presiding officer Chiz Escudero.

--Ads--

Dahil dito, sinabi niyang may kalamangan ang kampo ng depensa, lalo na kung mananatiling buo ang suporta ng mga senador na itinuturing na kaalyado ng Bise Presidente.

Ayon pa kay Yusingco, batay sa kasalukuyang political landscape, may hindi bababa sa siyam na senador na inaasahang hindi boboto pabor sa conviction, dahilan upang maging napakahirap para sa prosekusyon na maabot ang kinakailangang bilang ng boto.

Binigyang-diin din ng political analyst na bagama’t mahalaga ang ebidensiyang ihaharap ng House prosecutors, hindi maikakaila na may malaking impluwensiya rin ang pulitika sa magiging resulta ng impeachment trial.

Samantala, inilarawan ni Yusingco bilang dramatiko ang pagbubukas ng impeachment trial, kung saan naging tampok ang matitinding argumento, mosyon, at palitan ng posisyon ng prosecution at defense panel.