DAGUPAN CITY- Matagumpay na naaresto ang isang -48 anyos na babae at nasamsam ang mahigit ₱81,000 halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa Barangay Malued.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang operasyon ay isinasagawa mga bandang 10:05 ng gabi sa pamumuno ng Police Station 4, kasama ang City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), City Intelligence Unit (CIU), PNP DEG SOU1, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO1.
Ang suspek, isang residente ng Barangay Pantal, ay naaktuhan habang nagbebenta ng ilegal na droga.
Narekober mula sa kanya ang tatlong heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 12 gramo, na may tinatayang halaga na ₱81,600.
Kasama rin sa mga nasamsam ang isang cellular phone, bubble envelope, at ang perang ginamit sa transaksyon.
Bago dalhin sa DCPO Headquarters, sumailalim muna ang suspek sa medikal na pagsusuri sa Region-1 Medical Center Annex.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa DCPO Custodial Facility at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanya para sa paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II Ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










