Umaasa ang Department of Agriculture (DA) na makaliikom ang pamahalaan ng mahigit P10 bilyong karagdagang kita mula sa pagtataas ng taripa sa inaangkat na baboy. Ayon sa ahensiya, maaaring gamitin ang pondong ito upang suportahan ang animal sector ng bansa.

Ayon sa DA, maaaring makalikom ang pamahalaan ng karagdagang kita mula sa pagtataas ng taripa sa inaangkat na baboy na maaaring gamitin upang pondohan ang Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF), na naglalayong palakasin ang livestock, poultry at dairy industry ng bansa.

Sinabi ni DA Macro-Economic Policy Division assistant chief Katrin Mares na maaaring lumampas sa P10 bilyon ang karagdagang kita ng pamahalaan kung itataas ang taripa sa inaangkat na baboy.

--Ads--

Ipinanukala ng ahensya ang unti-unting pagtataas ng taripa sa imported na baboy dahil sa bumababang farmgate prices.

Unang ipatutupad ang 10 percent na pagtaas sa kasalukuyang in-quota rate na 15 percent at sa out-quota rate na 25 percent, na magreresulta sa tariff levels sa 25 percent at 35 percent, ayon sa pagkakasunod.

Pagsapit ng 2028, itataas pa ang mga taripa sa 30 percent para sa in-quota imports at 40 percent para sa out-quota imports.

Sa ilalim ng umiiral na sistema ng Minimum Access Volume (MAV), mss mababang taripa ang ipinapataw sa mga inaangkat na baboy na pasok sa quota na 204,210 metriko tonelada (MT).

Ayon pa sa DA, ang pagdami ng populasyon ng mga alagang baboy ay maaaring magpataas ng taunang produksyon ng karne ng baboy ng 100,000 MT. Maaari rin nitong unti-unting mabawasan ang inaangkat na karne ng baboy sa 250,000 MT mula sa kasalukuyang 500,000 MT.

Samantala, nagbabala ang Meat Importers and Traders Association (MITA) na ang pagtataas ng taripa sa imported na baboy ay magreresulta lamang sa mas mataas na retail prices para sa mga consumer.