Nakumpiska ng mga otoridad ang nasa humigit-kumulang 50 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P340,000 sa isang matagumpay na buy-bust operation na nangyari sa Phase 2 Gate, Barangay Minien West, sa bayan ng Santa Barbara, Pangasinan.
Pinangunahan ng Pangasinan Drug Enforcement Group-Special Operation Unit 1 sa pamumuno ni PCapt. Rowell C. Isit, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLtCol. Radino S. Belly, ang pinagsamang puwersa ng PDEA, mga yunit ng pulisya, at iba pang ahensya sa lalawigan.
Inaresto ang suspek na kilala lamang sa bansag na “Boy,” 23 anyos, magsasaka, at nakatira sa Urdaneta City kung saan itinuturing ito na isang High-Value Individual (HVI).
Ayon kay PCapt. Isit, 4 hanggang 5 taon na siyang sangkot sa kalakalan ng droga, na kumalat sa Urdaneta at mga karatig-bayan tulad ng Santa Barbara, Malasiqui, Villasis, Calasiao, at San Carlos City.
Ipinahayag nito na ang kanyang mga kliyente ay pangunahing mga magsasaka at tsuper ng traysikel.
May mga nabanggit din umano ang suspek na pangalan na kasangkot sa gawain na kasalukuyang binabantayan at sinusuri pa ng mga awtoridad.
Pagbabahagi naman ng opisyal na dahil sa masamang panahon at pagbaha kamakailan, pansamantala umanog bumaba ang kalakalan ng droga sa lalawigan ngunit patuloy ang pagbabantay ng mga otoridad sa kabila ng hirap sa paglalakbay.
Panawagan naman nito sa publiko na huwag matakot na mag-ulat ng kahina-hinalang gawain sa barangay o pinakamalapit na istasyon ng pulisya.
Handa aniyang tumulong at magbigay ng proteksyon ang mga awtoridad laban sa droga.
Samantala, ang suspek ngayon ay nakakulong sa Lingayen Police Station habang ang mga nasabat na ebidensya ay ipapasa sa forensic unit para sa pagsusuri.










