Dagupan City – Nakinabang ang humigit-kumulang 1,000 empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa unang batch ng programang pangkalusugan na Alagang Ang Galing, isang inisyatibong inilunsad sa ilalim ng pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III.

Sa pamamagitan ng programa, nabigyan ang mga kawani ng libreng medical consultation, laboratory tests, at mga kinakailangang gamot bilang bahagi ng layunin ng pamahalaang panlalawigan na pangalagaan ang kalusugan ng mga lingkod-bayan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mahalaga ang pagkakaroon ng malusog na mga empleyado upang patuloy silang makapagbigay ng episyente at de-kalidad na serbisyo sa mga Pangasinense. Bahagi rin ito ng pagsisikap na isulong ang preventive healthcare at maagang pagtukoy sa mga posibleng karamdaman ng mga kawani.

--Ads--

Inaasahang magpapatuloy ang mga susunod na batch ng programang Alagang Ang Galing upang mas marami pang empleyado ng Kapitolyo ang makinabang sa mga serbisyong medikal na inihahandog ng pamahalaang panlalawigan.

Sa pamamagitan ng programang ito, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang pagpapahalaga nito sa kapakanan at kalusugan ng mga empleyadong nagsisilbi sa publiko araw-araw.