Maglalaan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ng ₱600 milyon na pondo upang paghandaan ang posibleng matinding epekto ng El Niño partikular na sa sektor ng agrikultura mula sa panukalang ₱9.3 bilyong badyet para sa taong 2027.
Inihain ni Governor Ramon “Monmon” Guico III ang pormal na panukalang badyet sa Sangguniang Panlalawigan, na nakatakdang talakayin ng konseho sa pangunguna ni Vice Governor Mark Ronald Lambino bago ito opisyal na aprubahan.
Kaugnay ng paghahanda sa tagtuyot, agad na iniutos ng punong lalawigan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA).
Kaniya ring hiniling sa Sangguniang Panlalawigan ang pagbuo ng mga kaukulang hakbang upang agad na maipaabot ang tulong at suporta sa mga magsasaka at iba pang apektadong sektor.
Mas mataas ng 10.18 porsiyento ang panukalang badyet para sa 2027 kumpara sa pondo ngayong 2026 na pumatak sa mahigit ₱8.3 bilyon.
Inaasahang magmumula ang karagdagang pondo sa bahagi ng lalawigan mula sa pambansang buwis (National Tax Allotment) at sa pagtaas ng lokal na kita, kabilang ang koleksiyon mula sa mga quarry operation.
Bukod sa paghahanda sa kalamidad at tulong sa agrikultura, mananatiling pangunahing prayoridad sa lalawigan ang pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at pagbibigay ng subsidiya sa matrikula ng mga estudyante.










