Dagupan City – Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit ₱4.9 milyong halaga ng hinihinalang marijuana, marijuana kush at liquid marijuana sa isang buy-bust operation sa Urdaneta City, Pangasinan noong Oktubre 2, 2026, na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa isang 18-anyos na lalaki.
Pinangunahan ng Urdaneta City Police Station ang operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 at iba pang police units. Narekober mula sa operasyon ang kabuuang 27,730 gramo ng hinihinalang dried marijuana leaves, 511 gramo ng marijuana kush at 240 mililitro ng hinihinalang liquid marijuana na may kabuuang Standard Drug Price na ₱4,913,400.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga compressed bricks at vacuum-sealed sachets ng hinihinalang marijuana, mga lalagyan ng marijuana kush, vape cartridges na pinaghihinalaang may marijuana oil at iba pang packaging na naglalaman ng hinihinalang marijuana products.
Nakumpiska rin ang isang ₱500 buy-bust money, mga boodle money, isang itim na iPhone 15 at iba pang ebidensya.
Bukod sa mga hinihinalang ilegal na droga, narekober din ang isang .22 caliber revolver na walang serial number at may lamang anim na bala. Ang suspek, na walang trabaho at pansamantalang naninirahan sa Urdaneta City at tubong Bacnotan, La Union, ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Mahaharap ang suspek sa mga kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy namang paiigtingin ng Pangasinan Police Provincial Office ang operasyon laban sa ilegal na droga at mga hindi lisensyadong armas sa lalawigan.










