Humaba ang pagitan ng pag-alis ng mga bus sa ilang ruta dahil sa patuloy na mataas na presyo ng diesel, habang nananatiling walang dagdag sa pamasahe dahil wala pang bagong awtorisasyon mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Lester Sabino, bus dispatcher, umaabot na sa 40 minuto hanggang isang oras ang pagitan ng mga biyahe. Hindi muna pinapaalis ang bus kung wala pang sapat na pasahero, partikular kung hindi umabot sa 20 ang sakay, upang maiwasan ang pagkalugi sa konsumo ng diesel.

Nananatiling 24 oras ang operasyon ng mga bus, ngunit pinahahaba ang pagitan ng biyahe upang makatipid sa krudo. Kapag bumaba ang presyo ng diesel, inaasahang maibabalik sa dating 20 hanggang 30 minuto ang pagitan ng mga biyahe.

--Ads--

Dahil sa mahabang waiting time, naaapektuhan din ang mga commuter na kailangang maghintay nang mas matagal sa terminal. Kabilang din sa naaapektuhan ang mga driver at iba pang bus crew na kailangang mag-adjust sa mas mahabang pagitan ng kanilang mga biyahe at maglaan ng oras para makapagpahinga bago muling bumiyahe.

Samantala, sinabi ni Reynante V. Quinto, terminal master, na binago rin ang schedule ng mga rutang dumaraan sa Cubao, PITX at Avenida. Mula sa dating mas maikling interval, nasa 30 minuto na ang pagitan ng ilang biyahe. Mas marami naman ang pasahero tuwing weekends, habang mas kaunti ang sumasakay sa weekdays at karaniwang tumataas lamang ang bilang tuwing Miyerkules.

Ayon naman kay Elyboy Mera, terminal master, ipinatutupad ang merge trip bilang hakbang sa pagtitipid sa diesel. Mula sa dating 10 hanggang 15 minutong pagitan ng biyahe, umaabot na ngayon sa 30 hanggang 40 minuto. Dahil dito, bumaba rin ang dating humigit-kumulang 60 biyahe kada araw sa nasa 40 biyahe na lamang.

Ipinaliwanag na kailangan munang magkaroon ng sapat na sakay bago umalis ang bus upang maging sulit ang konsumo ng diesel. Target na umabot sa tinatayang 60 porsiyentong occupancy bago bumiyahe ang ilang bus, dahil malaki ang bahagi ng operating expenses na napupunta sa krudo.

Sa kabila ng pagtaas ng gastos sa operasyon, wala pa ring bagong dagdag-pasahe na ipinatutupad. Nananatili sa ₱70 ang minimum na pamasahe sa regular air-conditioned bus at ₱30 naman sa minibus.

Ayon sa mga terminal personnel, anumang pagbabago sa pamasahe ay kinakailangang aprubahan muna ng LTFRB at hindi maaaring basta ipatupad ng mga bus operator.

Umaasa ang mga operator na makababawi sa gastos kapag bumaba ang presyo ng diesel o magkaroon ng kaukulang adjustment sa pamasahe. Sa ngayon, patuloy silang nag-a-adjust ng schedule at bilang ng biyahe upang mapanatili ang operasyon habang hindi lalong nalulugi dahil sa mataas na gastos sa krudo.