Dagupan City – Isinagawa ang validation para sa Social Pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bayan ng Sison upang tiyaking makakatanggap ng tulong-pinansyal ang mga kwalipikadong indigent senior citizen sa bayan.

Ginanap ito sa Sison Stadia annex na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, Office of the Senior Veterans/Citizens Affairs (OSCA) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Layunin ng validation na idokumento at suriin ang listahan ng mga nakatatanda upang matiyak na ang pondo ay makakarating sa mga lolo at lola na walang regular na pensyon o pinagkukunan ng kita.

--Ads--

Ang Social Pension ay nakatutok sa pagbibigay ng karagdagang suporta para sa pang-araw-araw na gastusin at pambili ng gamot ng mga benepisyaryo.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang patuloy na pakikipagtulungan nito sa mga pambansang ahensya.

Gayunman ang aktibidad ng lokal na pamahalaan ng Sison ay layong masigurong walang sektor ang maiiwan sa mga pampublikong serbisyo at programa ng gobyerno.