Dagupan City – Nagsagawa ng isang opisyal na profiling activity ang Pamahalaang Bayan ng San Quintin, sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), para sa mga magulang at pamilya ng mga batang kabilang sa Child Labor Program.
Layunin ng nasabing hakbang na masusing matukoy at masuri ang kasalukuyang kalagayan at mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya.
Sa pamamagitan ng nakalap na datos, mas madaling maihahatid ng lokal na pamahalaan at ng DOLE ang mga angkop na tulong at intervention.
Kabilang sa mga nakaplanong suporta ang probisyon ng mga programang pangkabuhayan (livelihood assistance) upang magkaroon ng tuloy-tuloy at karagdagang pagkakakitaan ang mga magulang.
Sa ganitong paraan, mas lalakas ang kapabilidad ng mga pamilya na maitaguyod ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan nang hindi na nangangailangang magtrabaho ang kanilang mga anak.
Nangako naman ang Pamahalaang Bayan ng San Quintin na patuloy nitong paigtingin ang mga programa para sa kapakanan at proteksyon ng mga kabataan upang matiyak ang kanilang ligtas at magandang kinabukasan.










