Dagupan City – May pasok sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa San Carlos City ngayong Oktubre 5, 2026, matapos bawiin ng lokal na pamahalaan ang naunang kautusan para sa suspensyon ng klase.
Batay sa abiso ng Pamahalaang Lungsod, kinansela ang Executive Order No. 071-2026 na nagtatakda sana ng class suspension sa lungsod.
Ayon sa LGU, isinagawa ang muling pagtalakay at pagsusuri sa kautusan upang matiyak na ang mga desisyon tungkol sa suspensyon ng klase ay naaayon sa umiiral na mga patakaran at alituntunin ng Department of Education.
Kasabay nito, sinabi rin ng lokal na pamahalaan na binawi rin ng iba pang LGU sa Pangasinan ang mga inilabas nilang kautusan hinggil sa kanselasyon ng klase.
Nilinaw naman ng LGU San Carlos na ang pagbawi sa kautusan ay hindi nangangahulugang hindi nito kinikilala ang sakripisyo at kontribusyon ng mga guro.
Patuloy pa rin umanong nakikiisa ang lokal na pamahalaan sa paggunita ng National Teachers’ Day at World Teachers’ Day ngayong Oktubre 5.
Pinapayuhan naman ang mga paaralan, guro, mag-aaral at magulang na sundin ang mga opisyal na abiso at panuntunan ng Department of Education kaugnay ng klase.










