Dagupan City – Iginiit ng Legal Network for Truthful Elections o LENTE, na walang legal na batayan upang hindi matuloy ang halalan sa bansa.

Ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE, ang pag-aamyenda ng Konstitusyon ay maaari lamang mangyari sa loob ng unang tatlong taon ng panunungkulan ng administrasyon.

Sinabi rin nito na maaari lamang maantala ang eleksyon kung nasa ilalim ng national emergency ang bansa, ngunit nilinaw niyang “delay” lamang ito at hindi nangangahulugang tuluyang hindi matutuloy ang botohan.

--Ads--

Kaugnay naman ng mga nangyayari sa Senado, sinabi ni Caritos na mas lalong kinakailangan ang halalan dahil sa umano’y mga isyu sa pamumuno, partikular na ang mga usapin hinggil sa flood control anomalies.

Hinggil naman sa mga opisyal na maagang inaanunsyo ang kanilang planong pagtakbo sa mataas na posisyon sa gobyerno, kabilang si Vice President Sara Duterte, sinabi ni Caritos na mahaba pa ang panahon bago ang susunod na eleksyon kaya mas mainam na tutukan muna ng mga opisyal ang kanilang kasalukuyang tungkulin.

Dagdag pa niya, mahalagang pamantayan sa halalan ang inclusion at accessibility upang matiyak na makakalahok ang lahat ng sektor ng lipunan sa demokratikong proseso.

Kinilala rin ni Caritos ang pagiging mulat at aktibo ng kabataan sa mga usaping pambansa, lalo na ngayong mas madali nang ma-access ang impormasyon sa pamamagitan ng teknolohiya at social media.

Sa kasalukuyan patuloy naman aniya nilang tinututukan ang implementasyon ng memorandum circular mula probinsya hanggang barangay kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.