Kinuwestyon ni Senator Panfilo Lacson ang patuloy na paggiit ni Senador Alan Peter Cayetano sa posisyon bilang Senate President, sa kabila ng umano’y pagbabago sa liderato at pag-usad ng reorganisasyon sa Mataas na Kapulungan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na hindi na umano kinikilala ng iba’t ibang institusyon ang pag-angkin ni Cayetano sa liderato, kabilang ang ilang sektor sa ehekutibo, lehislatura, at legal community, kaya’t ang tanong aniya ay “Ano ba siya?”

Binanggit din ng senador na ang patuloy na paggamit ng social media livestream, kabilang ang Facebook Live, bilang paraan ng pagpapahayag at pagtalakay ng mga isyu sa Senado ay hindi angkop sa tradisyunal na proseso ng deliberasyon sa plenaryo.

--Ads--

Ayon kay Lacson, ang ganitong estilo ng komunikasyon ay nagpapakita umano ng kahinaan sa pagharap sa legal at factual na batayan ng mga argumento.

Samantala, pinabulaanan din niya ang mga pahayag ni Cayetano na may sabwatan umano sa pagitan ng ilang senador at Malacañang kaugnay ng imbestigasyon sa flood control controversy, at iginiit na ang mga rekomendasyon ng Blue Ribbon Committee ay dumaan sa pagsusuri ng mga kinauukulang institusyon tulad ng Ombudsman at Sandiganbayan.

Kaugnay nito, inaasahang ipagpapatuloy ng bagong pamunuan ng Blue Ribbon Committee, sa ilalim ni Senador Erwin Tulfo, ang pagdinig sa isyu ng flood control scandal sa darating na Hunyo 8.

Matatandaang nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado matapos ang pagbuo ng bagong majority bloc na kinilala rin ng iba’t ibang institusyon, kabilang ang Malacañang at ilang legal organizations.

Sa kabila nito, nananatiling iginiit ni Cayetano ang kanyang posisyon bilang Senate President, na nadudulot ng patuloy na pagtatalo sa loob ng institusyon hinggil sa pormal na liderato ng Mataas na Kapulungan.