Dagupan City – Umabot na sa 56.52 porsiyento ang natapos sa konstruksyon ng Lower Agno River Irrigation System (LARIS) o kilala din bilang Paitan Dam na matatagpuan sa bayan ng Santa Maria na isa sa mga malaking proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) Region 1 sa Pangasinan.
Ito ay pinagsamang proyekto ng NIA at Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon kay Engr. Geffrey Catulin, Acting Regional Manager ng NIA Region 1, ang NIA ay naglaan ng P250 milyon para sa proyekto, habang ang DAR naman ay naglaan ng P700 milyon para sa konstruksyon ng diversion dam sa Paitan, na nagkakahalaga ng P950 milyon sa kabuuan.
Sa ngayon, ang naibigay pa lamang na pondo ng DAR ay halos P500 milyon kung saan ongoing pa ang memorandum of agreement (MOA) para sa huling phase 4 na nagkakahalaga ng P200 milyon.
Sinimulan ang konstruksyon ng dam noong Abril at ginawan ng groundbreaking ni President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. noong May 23, 2025.
Sa sandaling matapos ang Paitan Dam, inaasahang makikinabang dito ang halos 11,972 agrarian reform beneficiaries kung saan ang dam ay kayang patubigan ang halos 12,000 hectares na lupain.
Saad pa ni Engr. Catulin, na Hindi lamang ang Santa Maria ang makikinabang sa dam, kundi pati na rin ang mga karatig-bayan gaya ng Rosales, Alcala, Santo Tomas, Bautista at Bayambang habang maabot din nito ang Nueva Ecija sa Cuyapo at Tarlac sa San Manuel at Moncada.
Samantala, target naman na matapos ang proyekto sa Hunyo 2027 para mapakinabangan na ng mga magsasakang malapit dito.










