Kabombo! Gaano ka nga ba kalakas?

Baka dito na masukat ang lakas mo! Paano ba naman kasi, ang isang kilalang Japanese Castle sa Japan ay inilipat gamit ang ‘muscle power’.

Naging posible umano ito nang dinaluhan ng libu-libong mamamayan ng Japan para maisakatuparan ang pagbabalik ng Hirosaki Castle sa permanente at orihinal na posisyon nito.

Kung saan tinatayang nasa 80 metro o 262 talampakan ang tore ng kastilyo na itinayo pa noong Edo period noong ika-17 siglo.

Simula Agosto 26, tinulungan ng humigit-kumulang 4,000 katao, kabilang ang ilang dayuhan, na ilipat ang tore nang limang metro mula sa dating kinatatayuan nito.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng “Hikiya,” isang tradisyunal na pamamaraan sa Japan na ginagamit sa paglilipat ng malalaking estruktura.

Para kay 46-anyos na history at castle enthusiast na si Azuma Nimiya, isang natatangi at minsan lamang sa buhay na karanasan ang naging bahagi ng makasaysayang gawain.

Ibinahagi rin ng 82-anyos na si Katsumi Tejada, na mahigit isang dekada nang nakikibahagi sa tradisyong Hikiya, ang kaniyang tuwa sa pagkakataong masaksihan ang pagbabalik ng tore sa orihinal nitong posisyon.

Ayon kay Kensuke Hayasaka, tagapangasiwa ng restoration project, mahalagang maging personal na bahagi ang publiko ng makasaysayang proseso upang mapanatili ang alaala at kasaysayan ng Hirosaki Castle para sa mga susunod na henerasyon.

Bukod sa pangangalaga sa cultural heritage ng Japan, layunin din ng restoration project na matiyak ang kaligtasan at katatagan ng pundasyon ng tore bago dumating ang unang snowfall ngayong taon.

Plano namang gumamit ng heavy machinery para sa susunod na yugto ng paglilipat, habang inaasahang tuluyang maibabalik at maitatayo sa permanenteng lokasyon ang tore pagsapit ng Nobyembre.

--Ads--