Naghost ang Pilipinas ng isang makasaysayang highway landing operation na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang US Special Operations Forces sa bayan ng Laoac dito sa Pangasinan.

Dinaluhan ito ni Secretary of Department of National Defense Gilberto Teodoro Jr. kasama ang ilang opisyal ng AFP at iba pang ahensya upang saksihan ang kaganapan.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang US C-146 Aircraft ang aktwal na lalapag sa isang highway sa bansa, at ikalawang beses sa Asya na isasagawa ang ganitong operasyon kasama ang pwersa ng isang partner country.

--Ads--

Binigyang-diin ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang kahalagahan ng joint exercise sa Laoac, kung saan sa unang pagkakataon, magla-landing ang mga sasakyang panghimpapawid na pwersa ng Pilipinas at US sa isang highway o bypassroad.

Ipinapakita sa joint operation na ito ang kasanayan ng Philippine Air Force Combat Controllers at pagpapahusay ng interoperability ng mga pwersa ng Pilipinas at Amerika.

Mahalaga umano ito dahil hindi lahat ng lugar ay may airport, at makikita ang kakayahan ng militar na maghanda para sa iba’t ibang sitwasyon.

Nagpasalamat naman ang kalihim sa Pangasinan at Laoac, at sinigurong susuklian ito ng serbisyo at proyekto.

Saad niya hindi dapat mangamba ang publiko dahil ang pagsasanay na ito ay upang pangalagaan ang seguridad ng bansa.

Kaugnay nito, ayon kay Maj. Emery Torre PNM, Chief ng Combined and Multinational Training Branch OJ8- AFP,
na napili ang Laoac bilang lugar ng kaganapan sa pamamagitan ng site survey ng Special Operations Forces ng Pilipinas at US.

Layunin ng training na ito na ihanda ang AFP para sa aircraft landings sa mga highway at road networks para sa mga operasyon ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR), emergency response, at pangangailangan sa pambansang depensa.

Dagdag pa, palalakasin nito ang interoperability, air mobility capability, at rapid deployment readiness ng US at Philippine forces.

Nilinaw ni Maj. Torre na ito ay isang routine exercise lamang para sa Philippine Air Force at AFP personnel, at hindi deployment ng pwersa.

Samantala, kung magiging matagumpay ang exercise, posibleng magamit ito sa mga susunod na Philippine-United States Exercises.

Sa kabilang banda, ikinagagalak ni Mayor Ricardo Balderas ng Laoac ang pagkakaroon ng kauna-unahan sa Pilipinas na alternative landing zone na isasagawa dito sa kanilang bayan

Aniya na sobra siyang ipinagmamalaki na dito ginanap ang pagsasanay kasama ang Air Forces of the Philippines at ng US Air Force.

Aminadong nagulat siya nang unang mapag-usapan ang lugar na napili bilang alternate landing zone, kung saan sinabi niyang ito ang unang pagkakataon sa bansa.

Pagbabahagi nito na malaki ang maitutulong nito sa kanilang bayan, lalo na kapag may mga sakuna at emergencies, dahil sila ang magiging unang benepisyaryo.

Dagdag pa ni Mayor Balderas, ang Laoac, bilang isang developing town, ay may malaking potensyal na maprotektahan at mapagsilbihan sa oras ng sakuna.

Bilang pinakabatang bayan sa Pangasinan, proud si Mayor Balderas sa progreso ng Laoac at nasisiyahan siya na napapabilang ito sa makasaysayang event bilang unang lugar sa bansa na nagsisilbing alternate landing site.

Sa kabuuan naging matagumpay ang paglanding ng nasabing aircraft at wala naman naging aberya lalo na sa makina at dinaanan nito.

Dahil dito, maituturing itong tagumpay ng bansa upang mas mapalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at ng Amerika sa ganitong aspeto.