Sa kabila ng mataas na kaso ng dengue sa bansa, ay bumaba naman ang naitalang bilang nito dito sa lalawigan ng Pangasinan kung ikukumpara noong nakalipas na taon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo radyo Dagupan kay Provincial health Officer Dra. Anna Marie De Guzman mula Enero hanggang August 8 sa taong kasalukuyan nakapagtala lamang ng 2,750 at may limang nasawi na mas mababa ng 29 percent kung ikukumpara sa kaso noong nakalipas na taon sa kaparehong panahon na may 3,877 kaso kung saan 12 ang nasawi.

Sa kabila nito ay inamin ni De Guzman na may mga lugar silang binabantayan sa lalawigan na nakapagtala ng mataas na kaso ng dengue na kinabibilangan ng bayan ng Bani mula 51 noong nakaraang taon na nakapagtala ng 178 na kaso ngayon , Bayambang (171-172) Rosales (32 -119)San Quintin (10-165) Bugallon (76-116).

--Ads--

Bukod sa mga nabanggit ay nakapagtala din ng mataas na kaso ng dengue ang bayan ng Lingayen, San Carlos City at Alaminos City.

Nabatid na nagbabala ang Department of Health (DOH) na sa Oktubre pa maaabot ang rurok ng epidemya sa dengue.

Dito umano inaasahan ang peak ng dengue cases dahil sa buwang ito magsisimulang mangagat ang dengue-carrying mosquitoes na aedes aegypti.

Inaasahang maraming mosquito eggs ang magiging ganap na lamok sa naturang buwan.

Nabatid na tumaas na ng 98 percent ang bilang ng kaso ng sakit mula noong January 1 hanggang nitong July kumpara sa kaparehong panahon noong 2018.