DAGUPAN CITY- Patuloy pa din ang pagtaas ng heat index sa iba’t ibang parte ng ating bansa kaya naman dumaranas tayo ng matinding init kabilang na ang Persons Deprived of Liberty (PDL) sa mga bilangguan.

Kaugnay nito na ang mataas na heat index ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga PDL, kabilang na ang dehydration, heatstroke, at iba pang komplikasyon.

Ayon kay JO1 Odessa Pang-ag, isang jail nurse sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) San Carlos City, bagamat patuloy na nararamdaman ang init ng panahon, ang kalagayan ng mga PDL sa nasabing bilangguan ay nananatiling maayos.

--Ads--

Sa ngayon aniya ay nakakaramdam pa rin ng hangin sa mga selda, at mayroon ding bahagi ng open space na nakakatulong upang maging maayos ang daluyan ng hangin.

Ayon kay Pang-ag, hindi pa naman gaanong ramdam ang init, at kung ito ay maramdaman, kadalasang nangyayari ito mula tanghali hanggang hapon, kung kailan tirik ang araw.

Kanya namang ipinagmalaki ang kalagayan ng mga PDL sa BJMP San Carlos City kung saan ay patuloy silang minomonitor araw-araw.

Wala ring naitatalang mga sakit na dulot ng init ng panahon, tulad ng mga skin diseases.

Aniya na pinapayuhan ang mga PDL na patuloy na uminom ng tubig upang manatiling hydrated at maiwasan ang epekto ng init.

Dagdag pa ni Pang-ag, hindi naman ganun kadami ang populasyon sa kanilang bilangguan at maluwag ang bawat selda.

Mayroon ding mga electric fan sa bawat selda, ngunit may mga pagkakataon na humihingi ang mga PDL, lalo na ang mga bago, ng karagdagang electric fan upang mas maging komportable.

Samanatala, patuloy din ang kanilang pagsasagawa ng health information drives para sa mga PDL upang matutunan nila ang mga hakbang na makakatulong sa kanilang kaligtasan sa panahon ng mataas na heat index.

Ipinapaalala sa kanila ang mga tamang gawain upang maiwasan ang epekto ng matinding init kabilang na ang “water therapy” o palaging uminom ng tubig, na kung saan ay may sapat ding suplay ng inuming tubig sa bawat selda.

Ipinagpapaliban din sa kanila ang pagkakataong maligo 2 hanggang 3 beses sa isang araw upang mapanatili ang kalinisan at maiwasan ang epekto ng init.

Handa rin ang kanilang Jail Clinic na magbigay ng agarang tulong sakaling magkasakit ang sinuman sa mga PDL.