Mariing pinabulaanan ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) ang alegasyon ng mass promotion sa mga mag-aaral, subalit iginiit na kailangang suriin ang mas malalim na isyu sa likod ng patuloy na pagpasa ng mga bata kahit hindi sapat ang kanilang kaalaman at kasanayan.

Ayon kay ASSERT President Arlene James Pagaduan, bagama’t walang opisyal na patakaran hinggil sa mass promotion, malinaw ang epekto ng sistemang nagpapahintulot na makalusot ang mga mag-aaral sa kabila ng kakulangan sa learning competencies.

Aniya, maraming bata ang hindi natututo nang maayos, hindi natutugunan ang kinakailangang kaalaman, at patuloy na lumalala ang learning gap sa bawat antas.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Pagaduan na ang mga mag-aaral na nahirapan sa kasalukuyang baitang ngunit agad na naipapasa sa susunod na taon ay mas lalo lamang nahihirapan.

Dahil dito, dapat umanong may malinaw at mahigpit na itinakdang learning standards at competencies na kailangang matamo bago pahintulutang umusad ang isang mag-aaral sa mas mataas na baitang.

Babala pa niya, nagdudulot ito ng domino effect sa buong sistema ng edukasyon.

Kapag sa mababang antas pa lamang ay hindi na sapat ang pundasyon ng kaalaman ng isang mag-aaral, patuloy itong magbubunga ng kahinaan sa mga susunod na taon at hahantong sa mas malawak na agwat ng antas ng kasanayan sa loob ng iisang klase.

Tinukoy rin ni Pagaduan ang isyu sa pagbibigay ng academic honors.

Aniya, noon ay itinuturing na napakahirap at bihirang makamit ang highest honors, subalit sa kasalukuyan ay tila nagiging karaniwan na ito dahil sa habulan at pag-aadjust ng grades.

Dagdag pa niya, may mga pagkakataong inaangat ang marka ng mag-aaral upang maiwasan ang masusing paliwanag kapag may bumagsak.

Binigyang-diin ng ASSERT na dapat iwasan ang unhealthy competition sa mga paaralan at sa halip ay itaguyod ang healthy competition na nakatuon sa tunay na pagkatuto at pag-unlad ng kakayahan ng mga mag-aaral.

Sa kabuuan, naniniwala ang grupo na malinaw na nakikita ang kahinaan ng kasalukuyang sistema at pamamaraan sa edukasyon.

Ayon kay Pagaduan, ang mga suliraning ito ay maaaring unti-unting aksyunan sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga kinauukulan upang mapabuti ang education system at masiguro ang de-kalidad na pagkatuto ng mga kabataang Pilipino.