Dagupan City – Pormal nang inilunsad ang Junior Child Health Advocate Program sa Malued Elementary School bilang bahagi ng kampanya ng lungsod na palakasin ang kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa kalusugan.
Layunin ng programa na mahikayat ang mga kabataan na maging aktibong tagapaghatid ng impormasyon ukol sa serbisyong medikal para sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng oryentasyon ang mga piling mag-aaral tungkol sa batayang kaalaman sa kalusugan at tamang paglapit sa mga serbisyong iniaalok ng pamahalaan.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mga bata, mas mapadadali ang pagpapabatid sa mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya kung kinakailangan na ang agarang atensyong medikal.
Katuwang sa implementasyon nito ang Dagupan City Health Office, gayundin ang Mary Help of Christians Theology Seminary at ang pamahalaang barangay ng Malued.
Ayon sa LGU, bahagi ito ng mas malawak na hakbang upang mapalakas ang ugnayan ng paaralan, komunidad at sektor ng kalusugan.
Nilinaw ng LGU na ang programa ay nakatuon sa information drive at boluntaryong partisipasyon ng mga mag-aaral.
Patuloy namang hinihikayat ang mga magulang na makipag-ugnayan sa paaralan at sa mga lokal na health worker para sa iba pang detalye hinggil sa mga serbisyong pangkalusugan na maaaring mapakinabangan ng kanilang pamilya.










