DAGUPAN CITY- Nasawi ang kabuuang anim (6) na magkakamag-anak matapos lamunin ng malaking sunog ang kanilang tinitirhan kahapon ng madaling araw sa lungsod ng Urdaneta.
Nangyari ito sa Barangay Nancayasan kung saan ang mga biktima ay nangungupahan sa nasabing lugar.
Bagama’t dalawang bahay ang natupok, pinalad na nakaligtas ang ibang mga nakatira, maliban sa anim na nasawi.
Kabilang sa mga nasawi ang isang 72-anyos na lola, isang 59-anyos na babae, dalawang lalaki na may edad 45 at 42, at dalawang bata na nasa edad 11.
Ayon kay SF03 Nathaniel P. Aquino, Deputy City Fire Marshal ng Urdaneta City Fire Station, nagsimula ang sunog bandang alas-3:00 ng madaling araw kahapon-oras na mahimbing na natutulog ang lahat.
Inamin niya na ito ang itinuturing na pinakagrabeng insidente ng sunog sa kasaysayan ng lungsod nitong mga nakaraang taon.
Bagama’t agad rumesponde ang dalawang fire truck sa istasyon at naapula ang apoy, huli na ang lahat dahil hindi na namalayan ng mga biktima ang paglaganap ng apoy dahil sa oras ng pangyayari.
Ito na rin aniya ang ikalawang sunog sa buwang ito, subalit ito ang may pinakamalubhang resulta.
Samantala, ramdam na ramdam ang panlulumo at kalungkutan sa pamilya ng mga nasawi dahil hindi nila nagawang mailigtas ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kina Riza Sarceda at Manuel Bandong Sr., may siyam (9) na pamilya ang naninirahan sa nasunog na lugar na kilala bilang Dela Pena Residence.
Ikinuwento nila na nagsimula ang sunog sa gitnang bahagi ng bahay, partikular sa kusina, dulot umano ng napabayaang apoy.
Sinubukan pa umanong apulahin ng may-ari ang apoy ngunit mabilis itong kumalat.
Buti na lang anila at nagising ang isa sa kanilang mga kamag-anak kaya nasabihan ang iba na lumabas, subalit hindi nila namalayang may naiwan pa pala sa loob.
Sa ngayon, pinaglalamayan na ang mga labi ng mga biktima sa mismong harapan ng carwash na harapang bahagi ng nasunog na ari-arian.
Nagpaabot naman ng panawagan ang pamilya sa publiko na sana ay matulungan sila kahit sa maliit na halaga para sa gastusin sa pagpapalibing at iba pang pangangailangan.
Hindi naman nagpahuli sa pagtulong ang mag-asawang sina Angel Huybrechts at Alain Huybrechts.
Nagbigay sila ng mga electric fan, ilang kilong bigas, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Anila, nalaman nila ang insidente sa social media at labis silang nalungkot nang malaman na may nasawi kaya’t agad silang kumilos upang makatulong at mapagaan kahit papaano ang dalahin ng mga naiwan.
Sa huli, muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection sa publiko na laging maging mapagmatyag at maingat sa paggamit ng mga kagamitang pwedeng pagmulan ng sunog upang maiwasan ang trahedya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi at kabuuang halaga ng pinsala.









